window.rapplerAds.displayAd( "middle-1" );window.
rapplerAds.displayAd( "mobile-middle-1" );(Basahin ang bersiyon sa Ingles.)Dismayado ang ilang botante sa Camarines Sur dahil hindi ineendoso ng kanilang hometown girl, na si dating vice president Leni Robredo, ang mga inaakalang alyado niya na bumabangga sa dinastiya ng mga Villafuerte o kaya naman ay nag-aambisyon ng mas mataas na local post.
Si Bong Rodriguez, ang regional manager sa Bicol ng 2022 presidential campaign ni Leni, tumatakbo sa pagkagobernador ng CamSur laban kay ex-governor LRay Villafuerte. Si Nelson Legacion, ang kasalukuyang meyor ng Naga City na dating sinuportahan ni Leni, gustong maging kongresman ng 3rd District — dating puwesto ni Leni bago siya naging VP. Eto ang sabi ng ilang residenteng nakausap ng Rappler: “Nakakapagtaka naman na nag-eendoso siya ng mga kandidato sa nasyonal, pero hindi sa lokal.
Camarines Sur ang probinsiya niya.”“Si Bong [Rodriguez] sana ang alas namin para tuluyang mapabagsak ang mga Villafuerte .” Ipapaubaya ko na sa political analysts kung paano isusuksok sa kukote ng mga saradong kakampink na maaaring taktika ang pag-endoso ni Robredo sa senatorial candidates na sina Benhur Abalos at Manny Pacquiao, na kapwa kandidato ng administrasyong Marcos.
Ang bása nila, dahil sa pabor na ito, iboboto rin ng mga tagasuporta ng dalawang ito ang orihinal na “senatoriables” ni Leni na sina Kiko Pangilinan at Bam Aquino. At sabay-sabay silang apat na hihila pababa sa mga alyado ni Duterte. ’Yung galawan sa Naga City at Camarines Sur ang pag-usapan natin.
Sinabi na ni Robredo, na tumatakbo sa pagkaalkalde: dahil hindi naman bumoboto ang mga taga-Naga sa mga posisyon sa probinsiya, hindi niya kailangang mag-endoso ng sinoman. Naiintindihan ko rin naman — nakipagbakbakan siya sa presidential campaign, pero ang naiuwi niya, kalahati lang ng 31 milyong boto ni Bongbong Marcos; ang labanan sa Naga, kabisado niya. Kasi, alalahanin natin: ang istorya ng Naga at Robredo ay hindi lang tungkol sa yumaong kabiyak ni Leni na si Jesse, ang matagal na meyor ng siyudad.
Kuwento rin ito ni Leni. Habang kinikilala sa maraming lugar ang pamumuno ni Jesse, tahimik na nakikipag-ugnayan at tumutulong si Leni sa mga nasa laylayan ng lipunan. Ambag niya ’yun sa pagpapalakas sa taumbayan, sa kulturang katuwang ang lahat na sinisimulan ni Jesse.
Kung gustong makisawsaw ni Leni sa politika ng probinsiya, sana tumakbo siyang gobernador (kakatwa kasi itong Republic Act 305, na nagtalaga sa Naga bilang independent component city — hindi pinapaboto sa provincial positions ang mga taga-Naga, pero puwede silang tumakbo sa mga puwestong iyon). Puwede ring tumakbo sana siya para sa dating niyang puwesto sa Kongreso. Pero hindi niya ginawa alinman sa mga ito.
Ano’ng ibig sabihin? Na kung labanang lokal ang pag-uusapan, Naga lang ang gusto niyang pakialaman. Naalala ko ang pag-uusap namin ni Mayor Jesse matagal na panahon na ang nakaraan. Sabi ko, tumatalino ang mga botante sa probinsiya niya.
Kinorek niya ako: Sa Naga lang muna tayo. Ibang usapan ang Camarines Sur. window.
rapplerAds.displayAd( "middle-2" );window.rapplerAds.
displayAd( "mobile-middle-2" );Kaya ang tanong: Bakit naman iniaatang natin kay Leni ang responsibilidad na pabagsakin ang mahigit 40 taon nang dinastiya ng mga Villafuerte? Hindi ba dapat ang mga botante ang sumunong nito? MABABASA RIN SA RAPPLERBicol’s heated races in the 2025 pollsDynasty wars: Races to track in Masbate, Camarines Sur, Camarines NorteWho can dislodge political dynasties?[Local Vote] All elections are local — and that makes you powerful[Botong Lokal] Lahat ng boto ay galing sa ibabaMagsabi lang si Leni, iboboto na ng mga tao kung sino man ang kalaban ng mga Villafuerte? Hindi ba insulto ’yun sa katalinuhan ng mga botante? Hindi ba nila kayang mag-isip nang walang nagdidikta? Kaya mo bang mag-isip mag-isa? Noong 2022, nagdesisyon ang mga Bikolano na hindi nila pababayaan ang “presidentiable” na anak ng kanilang rehiyon. Malakas nga si Marcos sa buong bansa, pero sa Bicol, naranasan niyang matambakan. Sa limang pinakamalalaking probinsiya ng rehiyon, 74% hanggang 89% ng boto ang hinakot ni Leni; sa Masbate, dumikit si Marcos, pero si Leni pa rin ang nanalo.
Pinakamataas ang boto niya sa Camarines Sur — halos isang milyon, kumpara sa 102,921 lang ni Marcos. Balikan din natin ang nakaraang tatlong halalang lokal sa CamSur. Walang palya, tuwing may Villafuerte na tumatakbo sa pagkagobernador, mahigit 400,000 ang botong nagpapanalo sa kanila.
Nitong 2022, tumaas na ’yun sa halos kalahating milyon. Ang interesante rito? Noong 2016, ang laki ng lamang ni Migz Villafuerte sa tinalo niyang si Arnie Fuentebella. Pero noong 2019 at 2022, nahintakutan siguro ang angkan dahil ang tinalo nila, si Nonoy Andaya, nakahigit sa 400,000 boto rin.
Ang ibig kong sabihin: Kung gugustuhin pala ng mga botante na palitan ang mga Villafuerte, susuportahan nila kung sino ang puwedeng ipalit. Iendoso man ni Leni ’yan o hindi. Pero kung endorsement power ang pag-uusapan, inendoso ni Leni si Andaya laban kay Luigi Villafuerte noong 2022 — ang lamang ni Luigi, masa malaki sa lamang ni Migz noong 2019.
Kung tutuusin, paano makakatulong si Leni sa pag-deliver ng boto? Hindi ba’t ang sabi natin, gusto ka man ng botante, hindi katiyakan ’yun na maiboboto ka niya? Kailangan ng makinaryang hahakot ng boto. Si Leni, tumatakbo sa ilalim ng Liberal Party, na umunti na nang husto. Si Rodriguez, ang gubernatorial candidate na sinasabing maiaangat sana ng endorsement niya, kandidato ng Nationalist People’s Coalition.
Ang partidong ’yan, kilalang nagbibigay-suporta sa mga kandidato nila sa pinakamahahalagang lugar. Isa pa: Bumuhos ang boto ni Leni sa Bicol noong nakaraang eleksiyon dahil lahat ng dinastiya roon — kabilang ang mga Villafuerte — ay sumuporta sa kanya. At labang nasyonal kasi ’yun.
Pagdating sa lokal, mala-giyera ang gapangan, hindi iniaasa sa endo-endorsement ang laban. Ganun din dapat ang gawin ng mga botante sa CamSur na nagsasabing gusto na nilang mapalitan ang mga Villafuerte, kahit hindi madaling gawin ito. Suyurin ang mga balwarte.
Himukin ang mga nagdadalawang-isip pa. Kumbinsihin ang mga nag-aalinlangan pa. Lubayan na natin si Leni.
– Rappler.com.
Technology
[Botong Lokal] Hindi si Leni Robredo ang titibag sa dinastiya

Sa totoo lang, mga botante ng Camarines Sur ang makakagawa niyan