Inihatid na sa kaniyang huling hantungan ang Superstar at National Artist for Film and Broadcast Arts na si Nora Aunor sa Libingan ng mga Bayani sa Taguig City ngayong Martes. Sa ilang larawan ng GMA Integrated News, makikitang emosyonal na nagpaalam ang pamilya ni Nora sa isinagawang funeral rites para sa kaniya. Ibinigay rin ng mga kinatawan ng estado ang watawat ng Pilipinas sa naulilang pamilya.
Sa ulat ni Jonathan Andal sa GTV News Balitanghali, sinabing nakapuwesto ang libingan ni Nora sa Section 13 ng Libingan ng mga Bayani, kung saan inililibing ang mga National Artist at National Scientists. Si Nora ang ika-55 na inilibing sa naturang hanay, katabi ang puntod ni direk Ishmael Bernal, na siyang direktor ng pinagbidahan niyang pelikula na "Himala." Idineklara ng Malacañang nitong Martes ang National Day of Mourning para kay Nora.
Maraming Noranians, o kaniyang mga tagahanga ang nagdala ng kanilang mga memorabilia sa kaniyang huling hantungan, at kinanta ang "Superstar Ng Buhay Ko." Bago nito, umaga nang bigyang-pugay muna sa Metropolitan Theater sa Maynila ang mga labi ni Nora. Eksaktong 8 a.
m. nang dumating ang hearst na dala ang mga labi ni Ate Guy, mula sa Heritage Park sa Taguig City. Alas-9 nang magsimula ang necrological tribute para kay Nora.
--FRJ, GMA Integrated News.
Entertainment
Nora Aunor, inihimlay na sa Libingan ng mga Bayani

Inihatid na sa kaniyang huling hantungan ang Superstar at National Artist for Film and Broadcast Arts na si Nora Aunor sa Libingan ng mga Bayani sa Taguig City ngayong Martes.