X-ray scanners sa MRT-3 stations, planong aalisin para bawas haba sa pila-- Sec. Dizon

featured-image

Plano ng Department of Transportation na alisin ang mga X-ray scanners sa mga MRT-3 station para mabawasan ang pila ng mga pasahero, ayon kay Secretary Vince Dizon.

Plano ng Department of Transportation na alisin ang mga X-ray scanners sa mga MRT-3 station para mabawasan ang pila ng mga pasahero, ayon kay Secretary Vince Dizon. “Hopefully po, sa tulong ng [Department of Information and Communications Technology], makakapagdagdag tayo ng mga security measures dito sa mga istasyon para later on completely matanggal na nating itong mga X-ray dito sa mga istasyon kasi 'yun talaga ang nagpapahaba ng mga pila eh,” paliwanag ni Dizon sa panayam ng Super Radyo dzBB nitong Lunes. Kasama ni Dizon si DICT Secretary Henry Aguda, na nag-inspeksyon sa ilang MRT stations nitong Lunes, kasunod na rin ng direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

“Pag meron tayong bagong teknolohiya sa tulong ng DICT natin eh baka ma-eliminate na natin ang lahat ng X-ray. Kasi nga makikita mo naman sa ibang bansa kapag sumakay ka sa mga MRT, subway, metro, wala naman x-ray dun kasi nga may mga ginagamit silang teknolohiya para masigurado pa rin ‘yung seguridad ng mga bumabiyahe at yung mga pasilidad,” dagdag ng kalihim. Sa ngayon, ang mga pasahero na walang bag o bitbit ang maaaring hindi dumaan sa X-ray inspections sa mga MRT station.



Para mapanatili ang seguridad sa mga MRT station, sinabi ni Dizon na mayroong mga karagdagang awtoridad at mga K-9 unit ang ipinadala sa mga ito. Sinabi rin ni Dizon na may positibong pagbabago na siyang nakita sa operasyon ng MRT 3. Kabilang na rito ang mas mabilis na pila sa North EDSA station, kung saan nakapasok na siya sa loob lang ng tatlong minuto, kumpara sa dating pila na umaabot hanggang sa kalsada.

Ayon pa sa kalihim, dadagdagan din ang mga bagon sa MRT 3, at magiging apat na simula sa April 21 sa oras ng "peak hours" para mas maraming pasahero ang maisakay. Inihayag ng MRT-3, na tatlong four-car train sets ang mag-o-operate sa rush hours sa umaga at hapon, habang ang 16 na iba pang tren ang magpapatuloy sa three-car configuration. Ang bawat tren ay kaya umanong magsakay ng 394 pasahero, na magiging katumbas ng 1,500 pasahero sa bawat four-car train.

Nakikipag-usap din umano si Dizon sa Sumitomo, ang maintenance operator ng MRT 3, para sa hangarin nila na dagdagan pa ang mga tren na bibiyahe. Makikipag-ugnayan din umano si Dizon sa mga operator ng LRT Lines 1 at 2—Metro Pacific at Ayala—para katulad na plano na dagdagan ang train capacity ng naturang mga linya para makapagsakay ng mas maraming pasahero. “Kausap po natin ang Metro Pacific at ang Ayala para magdagdag din po ng tren doon.

So ang issue lang yata doon ay yung mga tren na mine-maintain. Kailangan lang sigurado na lahat ng tren ay maayos para makapagdagdag tayo, pero tingin ko makakapagdagdag tayo sa LRT-1 pati na rin sa LRT-2,” ayon kay Dizon. — mula sa ulat ni Hana Bordey/FRJ, GMA Integrated News.