Emosyonal ang naging simula ng Fast Talk with Boy Abunda nitong Lunes (April 21) dahil espesyal itong nagbigay-pugay sa National Artist at Superstar na si Nora Aunor. Bago ang simula ng panayam, ipinakita ni Tito Boy ang mga pahayag ng ilang celebrities at fans tungkol sa mga alaala at aral na natutunan nila kay Nora Aunor. Kabilang sa mga nakapanayam ay sina Barbie Forteza at Roderick Paulate.
Nais ni Lotlot de Leon maalala ng publiko ang magandang legacy na naiwan ng kanyang ina na si Nora Aunor. "Sana laging maalala si mommy a (person) started from humble beginnings (who) was blessed to become the greatest superstar na binigay niya 'yung oras, panahon, talento, at pagmamahal niya sa lahat ng walang hinihiling (na) kapalit. She's grateful sa lahat ng nagmamahal sa kanya, ngmga tagahanga niya, mga kaibigan niya na ang lagi namang sinasabi ni mommy, 'Kung hindi dahil sa kanilang lahat, wala siya,'" aniya.
Labis din ang pasasalamat ni Ian de Leon sa kanyang ina, si Nora Aunor, sa pagiging isang mapagmahal na lola sa kanyang mga anak. Hiling ng aktor na maalala ang Superstar hindi lamang bilang isang alamat sa industriya, kundi bilang isang lola na nagbigay ng saya at pagmamahal sa kanyang mga apo. Hindi rin makakalimutan nina Kiko at Kenneth de Leon ang mga masasayang alaala nila kasama ang kanilang nanay na si Nora Aunor.
Sa kanilang kwentuhan, isa sa mga babaunin nilang alaala ay ang ipinakita nitong pagmamahal at mga nakakatuwang moments kasama ang aktres. Hindi maiwasang maging emosyonal si Matet de Leon nang naalala niya ang pagmamahal ni Superstar Nora Aunor. Aniya, buong buo silang minahal at labis siyang nagpapasalamat sa pag-aalaga nito sa kanyang mga anak.
Minsan hindi maiwasang mag-alala ang magkakapatid sa kanilang Mommy Nora Aunor. Ayon kay Lotlot de Leon, madalas na hindi ito nagsasabi kapag may nararamdamang sakit dahil ayaw raw nito na mag-alala sila. Bumuhos ang mga luha ni Ian de Leon nang ibinahagi niya ang huli niyang pakikipag-uusap kay Nora Aunor.
Ayon sa aktor, nakausap niya ang ina sa isang text dahil nasa ospital na ito. “Panginoon, kahit saan man mapunta ang aking mga anak, pakiusap, hawakan mo sila, protektahan sa lahat ng panganib at palaging ihatid silang ligtas pauwi,” basa ng aktor sa mensahe ng kaniyang ina. Kinamusta rin umano ng National Artist ang kaniyang mga apo, at hiniling sa aktor na iyakap at ihalik na lang ito sa kanila.
Humingi rin ng pasensya si Nora sa kaniyang anak na wala ito sa kanilang tabi noong mga panahon na iyon. Ipinagpasalamat ni Kenneth de Leon na naging mga anak sila ng batikang aktres, Nora Aunor. Ang kanyang pagsisisi naman, “Kung hihingi ng patawad, siguro po dahil 'yung mga huling oras niya, wala kami du'n.
Sana nandu'n kami, yakap namin siya, nakausap, nasabi 'yung mga gustong sabihin. Ito na po ngayon e, we just need to accept.” Labis ang pasasalamat ni Kiko de Leon na maging parte sa buhay ni Nora Aunor.
Aniya, kung hindi sila napunta sa kanilang mommy ay hindi niya alam kung ano ang magiging buhay nilang apat ngayon. “Maraming salamat, Ma, kung nasaan ka man ngayon, mahal na mahal ka namin, thank you. Thank you sa lahat.
Sana lang e naging matagal pa 'yung pagsasama namin, masyado kasing naging mabilis, ang dami pa naming pag-uusapan sana,” sabi ni Kiko. Sa pagtatapos ng kanilang panayam, nagbigay ng taos-pusong mensahe si Matet de Leon para sa kanilang Mommy Nora Aunor. “Salamat po, mommy, kasi pinaparamdam n'yo po rin kahit sa sarili niyang paraan, naparamdam niya po sa aming lahat, bawat isa, at sa mga anak po namin, kung gaano niya po kami kamahal.
Maraming salamat, naramdaman po namin ang pagmamahal ni Nora Aunor,” pahayag niya. Hindi rin naiwasang maging emosyonal si Matet nang humingi ng tawad sa kanilang ina dahil sa mga panahong hindi sila laging magkasama. Binalikan din ni Ian de Leon ang isang mahalagang leksyon na itinuro ng kanyang Mommy Nora Aunor.
"The only lesson, aside from everything that has happened, be it good or bad, is always whatever happened in the past, kahit masakit, sobrang sakit, pinakamasakit, sobrang saya, lahat 'yun, all those were lessons for us to take. And we'll have to learn to leave the emotional baggage aside and leave it in the past,” pagbabahagi ng aktor..
Mga anak ni Nora Aunor, emosyonal sa pag-alala sa Superstar

Hindi napigilang maging emosyonal nina Ian, Lotlot, Matet, Kiko, at Kenneth de Leon habang inaalala ang kanilang mahal na ina, ang Superstar at National Artist na si Nora Aunor.Sa huling araw ng burol, bumisita at nakapanayam sila ng King of Talk na si Boy Abunda upang balikan ang kanilang mga kwento at pagmamahal para sa kanilang nanay.Madamdamin ang naging usapan nang isa-isa nilang ibinahagi ang kanilang pasasalamat, mga alaala, at mga pagsisisi noong buhay pa ang beteranang aktres.“Kung hihingi ng patawad, siguro po dahil 'yung mga huling oras niya, wala kami du'n. Sana nandu'n kami, yakap namin siya, nakausap, nasabi 'yung mga gustong sabihin. Ito na po ngayon e, we just need to accept,” pahayag ni Kenneth.Binalikan din nila ang mga aral na iniwan sa kanila ng kanilang ina na habambuhay nilang babaunin.Tingnan ang madamdaming panayam nina Ian, Lotlot, Matet, Kiko, at Kenneth de Leon tungkol sa kanilang ina, Superstar Nora Aunor, dito.