Rachel Alejandro, nagpasalamat kay Alynna na GF ng pumanaw niyang ama na si Hajji

featured-image

Pinasalamatan ni Rachel Alejandro si Alynna Velasquez sa ibinigay nitong pagmamahal sa namayapa niyang ama at OPM singer na si Hajji.

Pinasalamatan ni Rachel Alejandro si Alynna Velasquez sa ibinigay nitong pagmamahal sa namayapa niyang ama at OPM singer na si Hajji. "Thank you for loving him," simpleng komento ni Rachel sa Facebook post ni Alynna nitong Huwebes. Sa naturang post, inihayag ni Alynna na "the best father and daughter team" sina Hajji at Rachel.

Naka-tag si Rachel sa naturang post na sinimulan ni Alynna sa pahayag na, "I love you both." "The strength of your bond and mutual support is immeasurable," patuloy niya. Nauna nang nabanggit ni Alynna na ngayong Abril ang ika-27 taong anibersaryo ng pagsasama nila ni Hajji.



Sa post ni Alynna na isa ring mang-aawit, inihayag niya ang paghanga sa mag-ama bilang mga performers na "every show is a lasting memory." Mami-miss umano niya na makitang magtanghal na magkasama ang mag-ama sa stage ngayong wala na si Hajji. Ipinaalala rin ni Alynna kay Rachel kung gaano ka-proud si Hajji sa kaniyang anak.

"Rachel, remember that your dad's mighty proud of you. Always. He will always be there in your heart singing with you," ani Alynna.

Pumanaw si Hajji nitong Martes sa edad na 70 dahil sa colon cancer. — FRJ, GMA Integrated News.