Sunog na sumiklab sa Sampaloc, Maynila, hinihinalang sinadya; P6M halaga ng ari-arian, napinsala

featured-image

Isang compound sa Sampaloc, Maynila ang nasunog nitong Miyerkoles nang madaling araw at hinihinala itong sinadyang sunugin.

Isang compound sa Sampaloc, Maynila ang nasunog nitong Miyerkoles nang madaling araw at hinihinala itong sinadyang sunugin. Nabalot ng apoy at makapal na usok ang nasabing compound matapos sumiklab ang sunog mag-aalas dos ng madaling araw kanina. Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), nasa mahigit isang ektarya ang lawak ng compound.

Sa panayam ng GMA Integrated News sa 21-anyos na caretaker na si alyas Jay, natutulog siya nang bigla siyang gisingin ng ilang armadong kalalakihan. Tinutukan aniya siya ng baril ng mga ito bago pinadapa at ginapos ang kanyang mga kamay. Ayon sa chairman ng barangay, nakipag-ugnayan na sila sa pulisya para maimbestigahan ang nangyari.



Umabot sa ikalawang alarma ang sunog, ayon sa BFP. Dahil dito, rumesponde ang halos 40 truck ng bumbero. Tumagal ng halos dalawang oras bago nakontrol ang sunog bago mag-alas kuwatro ng madaling araw.

Nagdeklara ang BFP ng fire out nitong 5:28 a.m. Sabi ng BFP, pawang mga PVC umano at mga construction materials ang laman ng compound.

Aabot sa P6 milyon ang tinatayang halaga ng mga napinsalang ari-arian. Ayon sa BFP, posibleng nakalabas na kanina ang dalawa pang caretaker na hinahanap. Patuloy ang imbestigasyon ng BFP sa pinagmulan ng sunog.

—KG, GMA Integrated News.